minsa'y pagsunog ng halaman upang maitakwil ang masamang espiritu.
Isa sa mga natatanging aspeto sa paraan ng paggamot ni Tiya Tiling ay ang pakikipag-ugnayan sa mga nilalang na tinatawag niyang "salaguron."
Sa sobrang tagal, hindi na niya maalala kung kailan nagsimulang "kumapit ang mga nilalang sa kaniya. Ayon sa Tiya Tiling, sila ay isang pamilya ng mga lamang lupa na tumutulong sa paghihilot ng mga pasyente, katulad ng mga "kaibigan" niyang sina Maninilag at Silak Adlaw.
Upang gumaling mula sa sakit, naglalagay ng pitong pirasong luya at dulaw si Tiya Tiling sa iba't ibang bahagi ng katawan habang hinihilot ang kirot. Kapag masyadong malubha ang nararamdaman, ipinapadala na lamang ng pasyente ang malinis na damit para kaniyang ipanalangin.
Si Tiya Tiling lamang ang may kakayahang makausap ang mga salaguron. Ipinapayo niya sa pasyente na sundin ang mga utos ng mga nilalang-maging ito man ay pagsindi ng kandila o pagdalo sa misa.
"GABALIBAD NA GANI AKO, NGA INDI NA AKO. KASO KON INDI AKO MAGBUTANG PAGKAON, DAW GINABITIN AKO SA IBABAW."
Ganito ang sambit ni Tiya Tiling nang tanungin kung gusto niyang makalaya sa kamay ng mga salaguron.
Masyado mang mabigat minsan, wala siyang pagsisisi sa buhay. "Gabulig ko ya sa kapareho ko, ngaa mauntat ako?"
Ang bawat orasyong isinasagawa at sugat na hinihilom ni Tiya Tiling ay patunay ng di- mabilang na oras na inilaan niya para sa kapwa. Bagama't nagbago na ang panahon, at lumilihis na ang mundo mula sa mga sinaunang pamana, ang mga albularyo tulad niya ay patuloy na naglilingkod sa kani-kanilang mga komunidad.
Sa mga ritwal, haplos, at gamot na inihahandog, dala nila ang diwa ng tradisyon na hindi basta-basta mapapalitan. Isa itong paalala na ang tunay na dedikasyon sa tungkulin ay hindi nasusukat sa kung ano ang naaayon sa panahon, bagkus ay nasa tibay ng puso at paniniwala.
Hangga't may mga lumalapit at patuloy na naniniwala sa kababalaghan ng buhay, hindi sila mawawala. Si Tiya Tiling ay mananatili.
dimensions 12