Ang hirap mawalan ng lugar sa mundong patuloy na nagbabago, lalo na kung dito mo na inialay ang buong buhay mo.
Para kay Esteleta "Tiya Tiling" Artates ng Barangay Pondol, President Roxas, Capiz, ang unti-unting pagkupas ng tradisyon ay isang anyo ng paglimot ng mga paniniwala at kasanayan na ipinasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.
Sa modernong panahon, madalas maliitin ang pamamaraan ng 87-anyos na albularyo at ituring lamang bilang isang superstisyon na pamana sa kultural.
Gayunpaman, sa kabila ng mga pagdududa, buhay pa rin sa mga mata ni Tiya Tiling ang apoy ng paglilingkod para sa kapwa. Sa bawat hilot, dasal, at ritwal na kaniyang isinasagawa, hindi lamang siya isang manggagamot ng karamdaman, kundi tagapangalaga rin ng isang kultural
11 dimensions
Sa pinsala ng digmaan unang nakilala ni Tiling ang ginhawa ng pananampalataya. Sa murang edad, ninakaw ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang kaniyang kalayaan at seguridad. Sariwa pa ang alaala ng mga sigaw, hikbi, at mga baril na nagmistulang mga "teleskopyong nakatutok sa kaniya."
Habang patuloy na bumabagsak ang mga bomba't bala sa himpapawid, natutuhan ni Tiling at ang kaniyang mga kasama na magdasal habang nakatago sa gitna ng mga puno. Naging sandigan nila ang dasal upang maibsan ang hapdi ng digmaan at manatiling buo ang loob.
Pagkatapos ng giyera, ika-anim na baitang lamang ang natapos ni Tiling. Mula sa Dumalag ay napadpad siya sa Pondol upang mamuhay bilang mangingisda-isang bagong yugto na huhubog hindi lamang sa kaniyang kabuhayan kundi sa kaniyang pananaw sa buhay at mga paraan ng pagpapagaling na di kalaunan ay magiging sentro ng kaniyang pagkatao.
Mula sa Panay Bukidnon hanggang sa iba pang katutubo sa Iloilo, Capiz, Antique, at Aklan, itinuturing na sagrado ang tungkulin ng albularyo. Gumagamit sila ng mga halamang gamot na minana sa kanilang lahi, tulad ng dahon ng alocasia, tangkay ng amomum, at iba pa. Bukod dito, ang proseso ay may kasamang ritwal at