First Ink
Ang mga nagdaang buwan ang ilan sa pinakamabigat na pinagdaanan ng Forum-Dimensions (FD) sa mga nakalipas na taon.
May mga taong umalis, mga ugnayang nagbago, at mga tradisyong unti-unting nabiyak sa ilalim ng mga tanong na hindi na namin maaaring ipagsawalangbahala. Tulad ng isang salamangkero, sa ilang pagkakataon, tila mas madaling bumaba sa entablado kaysa manatili sa ilalim ng mga ilaw.
Sa loob ng 86 na taon, bihasa ang FD sa mahika ng pagkapit sa mga nakasanayan. Ang mga tradisyon ay naging ritwal at tuntunin na hindi maaaring galawin. Ngayong taon, napagtanto namin na ang pinakamalaking ilusyon ay ang paniniwalang dahil matagal nang umiiral ang isang bagay, kailangan na rin itong manatiling ganoon.
Itinuro sa amin ng taong ito na masakit ang pagbasag sa isang mahika. Subalit minsan, kailangan nating hilahin ang kurtina at itanong kung kanino ba talaga nagsisilbi ang mahikang ito.
Madalas, ang pagbabago ng palabas ay nangangahulugang kailangan nating pakawalan ang mga taong hindi natin kailanman inakalang mawawala.
Nasa edisyon ng magasing ito ang mga kuwento ng mga indibidwal na patuloy na lumalaban, mga sektor na hindi sumusuko, mga realidad na humihingi ng pansin, at mga tinig na tumatangging maglaho.
Kung hinihingi natin sa lipunan na harapin ang mga katotohanang hindi komportable, kailangan din nating harapin ang sarili nating katotohanan.
Hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa atin sa mga susunod na buwan at taon, ngunit alam kong hindi kailangang maging malinaw ang lahat upang piliing magpatuloy.
At kung may salamangka man akong nais manatili sa FD kahit hindi na ako bahagi nito, hindi ito ang salamangka ng pagsunod sa nakasanayan. Ito ang salamangka ng pagkakaroon ng tapang na magtanong kung ano ang dapat manatili, ano ang dapat baguhin, at ano ang dapat nang bitawan.
VERNA CRISSA VILLORENTE
Editor-in-Chief iv dimensions